
Iginiit ni House Deputy Minority Leader at Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Leila de Lima na dapat nasa default mode o awtomatiko ang livestreaming ng lahat ng mga pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) upang higit itong maging epektibo at transparent.
Diin ni De Lima, ang executive sessions ay dapat tanging sa bihirang pagkakataon lamang at mga exception na batay sa pasya ng Supreme Court.
Bunsod nito, iginiit ni De Lima na kailangang busisiin ang patakaran ng ICI pagdating sa livestreaming, lalo na kung may mga probisyon na hindi naaayon sa Konstitusyon at mga batas.
Paliwanag ni De Lima, ang ICI hearings ay maikokonsidera na mga transaksyon na may kinalaman sa interes ng publiko dahil patungkol ito sa mga alegasyon ng pagbulsa sa pera ng taumbayan.
Iminungkahi din ni De Lima sa ICI na iwasan ang impresyon o obserbasyon ng over-judicialization sa mga proceedings nito dahil hindi naman ito korte.
Kaya’t ang mga investigative o evidence-gathering proceedings nito ay hindi kailangang sumunod sa mga istrikto at napaka-pormal na rules at proseso ng isang korte.
Nauunawaan naman ni De Lima kung may mga impormasyon na talagang sensitibo o privileged na hindi pwedeng isapubliko, pati na rin ang mga deliberasyon, draft decisions, at iba pang purely internal matters na hindi pinapaalam sa publiko pero mahalaga sa operasyon ng ICI.









