LLDA, dumepensa sa usapin ng korapsyon at backlog sa isinagawang 2022 budget briefing

Mariing itinanggi ni Laguna Lake Development Authority o LLDA General Manager Jaime Joey Medina ang ginawang pagpuna ni Deputy Speaker Lito Atienza na mayroong nangyayaring korapsyon at backlog sa ahensiya.

Sa nagpapatuloy na isinagawa ng Fiscal Year 2022 budget briefing ng Committee on Appropriation, dumepensa si Medina sa naging obserbasyon ni Deputy Speaker Atienza sa pagsasabing walang nangyayaring korapsyon sa LLDA.

Katunayan umano ay mas pinaprayoridad pa nila ang mga maliliit na mga mangingisda at binibigyan nila ang mga ito ng 60 percent kumpara sa 40 percent sa mga malalaking mangingisda.


Paliwanag pa ni Medina, mayroon na silang tinanggal na mga tiwaling opisyal para patunayan na seryoso sila sa kanilang kampanya laban sa korapsyon.

Nilinaw din ni Medina na hindi advisable na tanggalin ang lahat ng mga aquaculture dahil magkakaroon umano ng problema sa food security at mamahal ang presyo ng mga isda.

Giit pa ni Medina na simula pa noong taong 2016, ang ginagawa ng LLDA ay magbawas ng bilang ng aquaculture area kung saan ang dating 15,000 na hektarya na may permit, ang panuntunan ay magbawas sa pamamagitan ng scientific bases ng 9,000 hektarya, ngayon ay kanilang minimintina kaya’t nababawasan na umano ang sinasabi ng kongresista na mga backlog.

Facebook Comments