Suportado ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ang plano mula sa isang private consortium na magkaroon ng rehabilitasyon at pagpapaunlad sa Laguna de Bay.
Ayon kay LLDA General Manager Jaime Medina, inindorso na nila ang P609-B Laguna Lake Development and Rehabilitation Project matapos ang ilang buwang pag-aaral at pagsusuri.
Kasunod na rin ito ng magkakasunod na bagyo na naging dahilan ng matinding pagbaha sa Metro Manila, Rizal Province at iba pang lugar.
Sabi pa ni Medina, ang project proponent ay nakapaglabas na ng “original proponent status” (OPS) at ang proyekto ay kasalukuyan nang pinag-aaralan ng National Economic Development Authority (NEDA) sa pamamagitan ng kanilang Public-Private Partnership Center.
Ang rehabilitasyon ay gagawin sa loob ng lima hanggang 10 taon, kabilang na dito ang dredging sa tinatayang 800 million cubic meter ng dumi at burak.
Bukod dito, tutulungan din ang mga apektadong mangingisda at iba pang stakeholders maging ang paglipat sa mga makukuhang dumi at pagsasaayos ng matutukoy na “catchment area” na gagawin sa magkakahiwalay na bahagi habang isinasagawa ang paghuhukay.