Loan ng Pilipinas para sa COVID-19 response, aprubado na ng World Bank at Asian Development Bank

Inaprubahan na ng World Bank at Asian Development Bank ang loan ng Pilipinas na gagamitin sa pagtugon ng bansa sa COVID-19 pandemic.

Ayon kay Ndiame Diop, World Bank Country Director for Brunei, Malaysia, Philippines at Thailand, nasa US $500 million na loan ang inaprubahan para sa bansa na gagamitin sa pagbili at pagbabakuna.

Sinabi ni Diop na makakatulong din ang dagdag na pondo sa pagpapatupad ng public health measures hanggang sa magkaroon na ng herd immunity sa bansa.


Nauna nang nakapagpautang ang World Bank ng US $900 million loan facility sa Pilipinas para sa mabilis na pagbangon ng bansa sa pandemya at mga sakuna.

Nalaan naman ang US $600 million para sa Small and Medium Enterprises (SMEs) habang nasa US $300 million ang ipinautang para sa pagtugon sa kahirapan sa ilalim ng Kalahi-Comprehensive and Integrated Delivery of Social Services, poverty alleviation program ng Department of Social Welfare and Development at Department of Labor and Employment.

Samantala, nasa US $400 million loan naman ang inaprubahan ng Asian Development Bank para sa bansa na gagamitin din sa pagbili ng bakuna.

Nabatid na ang Pilipinas ang unang recipient ng financing support sa ADB sa ilalim ng Asia Pacific Vaccine Access Facility.

Facebook Comments