Hiniling ni Public Services Committee Chair Senator Grace Poe na palawakin pa ang sakop ng loan program ng mga government financial institution (GFIs) na katuwang para sa public utility vehicle (PUV) modernization program.
Giit ni Poe, kitang kita naman na ang isang driver na kumikita ng ₱750 kada araw ay hindi kakayaning bayaran ang bagong unit ng PUV na aabot sa ₱2.3 million ang halaga sa pamamagitan ng pagpapasada.
Sinabi ng senadora na kulang na kulang din ang ₱160,000 na subsidy para sa mga tsuper na manggagaling sa gobyerno.
Kaya naman, isinusulong ni Poe ang isang nararapat at makataong PUV modernization kung saan hindi dapat bababa sa 20% ang subsidiya ng pamahalaan.
Inihirit din ni Poe na gawing “15 years to pay” ang pagbabayad utang ng mga tsuper at operators upang hindi mabigatan ang mga ito sa epekto ng modernisasyon.
Sa kasalukuyan, ang Landbank at Development Bank of the Philippines ay pinapayagan ang borrower na makautang ng hanggang 95 percent ng kabuuang halaga ng public utility jeepney na may 6% interest rate per annum at payable o maaaring mabayaran sa loob lang ng pitong taon.