Pinulong na ni Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Ed Monreal ang local air carriers kaugnay ng pagsisimula ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) bukas.
Inatasan ni Monreal ang local airlines na abisuhan ang mga pasahero hinggil sa pansamantalang suspensyon ng domestic flights papasok at palabas ng Metro Manila.
Sa ilalim ng Inter-Agency Task Force (IATF) Omnibus Guidelines sa community quarantine, magpapatupad ang MIAA ng 50% workforce deployment.
Gayunman, hindi sakop nito ang mga nasa frontline duties tulad ng nasa flight operations, terminal monitoring, facilities management and maintenance, security, safety at emergency services.
Ang mga tauhan naman ng janitorial companies na kinontrata ng MIAA at ang security guard ay mananatili sa full deployment.
Tiniyak naman ng MIAA na magpo-provide sila ng shuttle buses para sa mga empleyado ng airport na uuwi ng Metro Manila, Quezon City at Cavite, bukod pa sa ibibigay na libreng pagkain at hazard pay na P500.00 kada araw.