Iniutos na ni Department of Human Settlements and Urban Development o DHSUD Sec. Rizalino Acuzar ang activation ng mga Local Shelter Cluster Team sa mga lugar na inaasahang tatamaan ng Super Typhoon Mawar.
Bahagi ito ng preparedness measure ng ahensya upang masiguro ang kahandaan ng kanilang regional offices sa pagkakaloob ng kaukulang tulong sa mga maaapektuhan ng bagyo.
Sa inilabas nitong memorandum order, partikular na inatasan ang mga regional director sa Regions 4A, 5, 6, 7, 8, 9, 10, 11, 12, 13 at BARMM na mag-convene ng kanilang shelter clusters para i-monitor ang sitwasyon kung may pangangailangan ng emergency shelter.
Kaugnay nito, inatasan din ang mga regional shelter cluster na mangasiwa ng emergency response at humanitarian assistance para sa mga maaapektuhang lugar.
Tinukoy naman ng ahensya na may mga katuwang itong eksperto para maghatid ng real-time reports at makatulong sa kanilang agarang pag-aksyon.