Localized lockdown, ipinatupad sa isang compound sa Brgy. Dela Paz, Pasig City

Isinailalim sa Localized Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Ventura Compound sa F. Mariano, Brgy. Dela Paz, lungsod ng Pasig.

Nagsimula ang lockdown kahapon, July 20, 2020 subalit hindi naman sinabi ng lokal na pamahalaan ng Pasig City kung kailan ito matatapos.

Batay sa ulat ng Health Department ng lungsod, lumabas sa kanilang datos na tumaas ang konsentrasyon ng mga kaso ng Coronavirus Diseases 2019 (COVID-19) sa naturang lugar.


Paliwanag ni Mayor Vico Sotto, ang basehang ng pagdeklara ng Localized ECQ ay ang bilang ng active, suspected, probable cases sa bawat compound, street, small area at hindi ang populasyon ng lugar.

Aniya, hindi basehan ang kabuuang bilang ng kaso ng COVID-19 sa buong barangay dahil hindi pare-pareho ang laki ng mga barangay sa lungsod.

Mamahagi rin aniya ang pamahalaang lokal ng Pasig City ng food packs upang hindi na lumabas ng bahay ang mga residente ng naturang lugar.

Facebook Comments