Hindi lang limitado sa mga barangay ang pagpapatupad ng localized lockdown.
Ayon kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año, maaari ring pairalin ang lockdown sa mas maliliit na unit na may mataas na kaso ng COVID-19 gaya ng mga sitio at subdivision.
Tinawag ni Año ang operational framework na ito na “zoning” habang ang lugar na may mabilis na doubling time ng COVID-19 cases ay tinawag na “critical zone”.
Sa paligid ng critical zone ay ang containment zone kung saan ipatutupad ang mga panuntunang kagaya sa General Community Quarantine (GCQ).
Habang ang mga lugar na malapit sa labas ng containment zone ay ang “buffer zone” kung saan papayagan ang business operations.
Ayon kay Año, may kapangyarihan ang mga Local Government Unit (LGU) na magdeklara ng “zoning” basta’t may koordinasyon sa Regional Inter-Agency Task Force.
Samantala, epektibo kaninang umaga, nagsimula na ang tatlong araw na ‘calibrated lockdown’ sa Baclaran, Parañaque City.
Sakop nito ang 10 kalye sa barangay kabilang ang Bagong Sikat, Bagong Lipunan, Bagong Pag-asa, Bagong Ilog, Bagong Buhay, Bagong Silang, E. Rodriguez, Dimasalang Extension, Mabuhay at 12 de Junio.
May 652 kaso ng COVID-19 sa Parañaque City at 16 rito ay naitala sa Baclaran.