Localized Peace Talk sa Lalawigan ng Isabela, Iminungkahi

Isinusulong ang localized peace talk sa mga rebeldeng komunista sa lalawigan ng Isabela dito sa lambak ng Cagayan. Ito ang nakalap na impormasyon ng RMN Cauayan News Team ng DWKD 98.5 – RMN Cauayan sa pagdalo nito sa isinagawang 2nd Quarter Regional Peace and Order Council (RPOC) meeting na ginanap sa kapitolyo ng Lalawigan Ng Isabela noong Hunyo 27, 2017.

Sa naturang pulong ay muling ipinaalaala ni Isabela Governor Faustino G. Dy III ang kanyang mungkahi para sa lokal na pakikipag usap sa mga rebeldeng komunista. Ang mungkahi na ito ay nauna nang inilatag noong unang pulong ng RPOC sa unang bahagi ng 2017.

Bilang katugunan ay sinabi ng militar na ang naturang bagay ay naipaabot na sa nasyunal na antas ng pamahalaan at kasalukuyan na itong inaaral.


Magugunitang dito sa Isabela ay aktibo ang ilang yunit ng New People’s Army na gumagawa ng pangingikil sa mga kontraktor at gumagawa ng panununog sa mga kagamitan ng mga ilang negosyante at imbestor.

Sa naturang 2nd Quarter RPOC meeting ay nagsagawa ang pamunuan ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa ilalim ni BGen Paul T. Atal ng security briefing na nagpapakitang aktibo ang hanay ng NPA sa kanilang pagrerekrut sa mga kabataan na sumapi sa kanilang hanay.

Facebook Comments