Para kay Committee on National Defense and Security Chairman Senador Panfilo Lacson, tama lamang na isulong pa rin ang pakikipag-usap ng pamahalaan sa mga armadong grupo na sinasabing may ipinaglalaban.
Pero giit ni Lacson, mas naaangkop sa lokal na lebel gawin ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde dahil hindi lahat ng lugar ay pare-pareho ang kalagayang pangkapayapaan.
Ito ang paraan na nakikita ni Lacson para matigil ang karahasan sa mga lugar na tukoy na pinamamahayan pa rin ng mga armadong grupo gaya ng New People’s Army (NPA).
Paliwanag ni Lacson, malaki ang maitutulong ng mga lokal na pamahalaan sa localized peace talks dahil ang mga ito ang lehitimong nakakaalam kung ano ang sitwasyon ng kapayapaan at kaayusan sa kanilang nasasakupan.
Mungkahi ni Lacson sa national government, maglabas ng malinaw na patakaran, parameters at gabay para sa localized peace talks.
Obserbasyon din ni Lacson, ang kawalan ng kontrol ni Communist Party of the Philippines (CPP) founding Chairman Jose Ma. Sison sa NPA o ang posibilidad na sadyang wala itong balak tumupad sa mga binibitiwang salita.