Lockdown sa Luzon, dapat pairalin hangga’t hindi bumababa ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa, DILG Sec. Año

Pabor si Interior Secretary Eduardo Año na palawigin pa ang umiiral na enhanced community quarantine sa Luzon.

Ayon sa kalihim, mas mainam na ituloy ang lockdown hanggang sa bumaba ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Base aniya sa initial projections, posibleng maabot ng bansa ang peak ng pandemic sa Hunyo o Hulyo na may 30,000 cases.


Pero kung aalisin ang lockdown, posibleng ngayon pa lang aniya ay makapagtala na ang bansa ng higit 20,000 kaso ng COVID-19.

Kahapon, nasa 76 na bagong kaso lang ng COVID-19 ang naitala sa bansa na pinakamababang bilang simula noong march 26.

Pero ayon sa Department of Health (DOH), masyado pang maaga para sabihing bumababa na ang pandemic curve sa Pilipinas.

Samantala, bukas ng hapon, pag-uusapan ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung irerekomenda nito kay Pangulong Rodrigo Duterte ang posibleng pag-aalis o pagpapalawig sa Enhance Community Quarantine (ECQ).

Facebook Comments