Mas malaki ang pondong makukuha ng mga lokal na pamahalaan sa ilalim ng ₱5.768 trilyong panukalang pambansang pondo para sa 2024.
Inihayag ito ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa kanyang pagdalo sa awarding ng Seal of Good Local Governance para sa mga natatanging lokal na pamahalaan na ginanap sa Manila Hotel.
Tinukoy ni Romualdez na batay sa Mandanas ruling ng Korte Suprema, na itinulak ni Batangas Gov. Hermilando Mandanas, lumaki ang parte na nakalaan para sa Local Government Units mula sa kita ng pamahalaang nasyunal.
Ayon kay Romualdez, nakapaloob sa 2024 national budget ang mga probisyon para sa epektibong pagpapatupad ng Mandanas ruling na titiyak na mayroong sapat na pondo ang mga LGU.
Kaugnay nito ay hinikayat naman ni Romualdez ang national at local officials na ipagpatuloy ang pagtutulungan at gawing inspirasyon ang bawat isa para sa isang matatag at inklusibong ekonomiya ng bansa.