Kinalampag ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Iloilo ang Senado na panagutin at pagbayarin ang mga nasa likod ng malawakang power outage sa Panay Island.
Sa imbestigasyon ng Senate Committee on Energy ay humarap sina Iloilo City Mayor Jerry Treñas at Iloilo Province Governor Arthur Defensor Jr., at hindi maiwasang magpahayag ng galit at pagkadismaya ang mga ito dahil ang kanilang probinsya at ang kanilang mga kababayan ang isa sa higit na naapektuhan ng ilang araw na blackout sa mga lalawigan na bumubuo sa Panay Island.
Ayon kay Mayor Treñas, silang mga Ilonggo ay kilalang mga malalambing at mapagmahal na mga tao pero ang kanilang magandang katangian ay sinubok ng apat na araw na blackout mula January 2 hanggang 5.
Aniya, dahil sa apektado ang lahat ng negosyo at serbisyo sa kanilang lalawigan ay umabot na sa kabuuang P2 billion ang lugi sa buong ekonomiya ng Iloilo o P500,000 million kada araw.
Dahil dito, tiniyak ni Treñas na hindi lamang sila basta makikinig lang sa pagsisiyasat na gagawin at hindi nila lulubayan ang imbestigasyon hanggang sa may mapanagot at mapagbayad na sa nangyaring power outage.
Samantala, umaasa naman si Gov. Defensor na sa pagkakataong ito, ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at ang iba pang ahensya ay dapat na magawang i-perpekto ang pangangasiwa sa national grid at ang pagpapabilis na makumpleto ang Cebu-Negro-Panay Backbone at ang iba pang ancillary civil structures na magpapalakas sa grid.