“On the road to recovery na ang Isabela.”
Ito ang inihayag ni Isabela Governor Rodito Albano sa Laging Handa public press briefing matapos matinding hagupitin kamakailan ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Gov. Albano, ngayong unti-unti nang bumabangon ang mga taga-Isabela, target naman nila ngayong mamudmod ng vitamins upang mapalakas ang resistensya ng mga residente para maiwasang tamaan ng COVID-19 at iba pang uri ng sakit.
Tuloy-tuloy rin aniya ang paglilinis nila lalo na sa mga binahang lugar upang iwas naman sa leptospirosis.
Sa pinakahuling datos ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO), nasa 66,000 pamilya ang naapektuhan ng malawakang pagbaha.
Tatlo ang naitalang nasawi habang dalawa pa rin ang missing.
Hindi pa masabi sa ngayon ni Gov. Albano kung magkano ang halaga ng pinsala ng bagyo sa sektor ng agrikultura, imprastraktura at iba pa dahil kanila pa itong ina-assess at pagpupulungan mamayang hapon.
Kasunod nito, hindi naman magsasagawa ang Cagayan Local Government Unit (LGU) ng massive COVID-19 testing sa kanilang lugar dahil sa kakulangan ng pondo.