Lokal na pamahalaan ng Makati naglaan ng P2.5-B ayuda para sa mga negosyante ng lungsod na apektado ng COVID-19 pandemic

Inanunsyo ni Makati Mayor Abby Binay kahapon na nakatakdang magbigay ang lungsod ng hanggang P100,000 tulong pinansyal para sa mga rehistradong negosyo sa lungsod sa ilalim ng P2.5-billion Economic Relief program nito.

Maliban dito, bibigyan din ng mababang tax rate ang mga online sellers, “travel window” sa curfew hours na nagbibigay ng karagdagang oras sa mga kostumer ng restaurant at ibang kainan, at pooled testing para sa mga empleyado ng mga pribadong kumpanya.

Ayon kay Mayor Binay, ang grant ay hindi ipapasauli sa mga benepisyaryong negosyo sa kondisyon na tumupad sila sa loob ng dalawang taon na kailangan sila ay magpapatuloy sa kanilang operasyon, hindi sila magtatanggal ng Makatizen employees, at mahigpit silang susunod sa mga ordinansa at safety guidelines ng lungsod.


Tiniyak din ng alkalde na gagawing madali, mabilis at automatic ang proseso ng pagbibigay ng grants sa mga nais makakuha nito na kabilang sa nasa 78,000 rehistradong negosyo sa Makati.

Layunin nito aniya na pasiglahin ang lokal na ekonomiya sa panahon ng pandemya, kasabay ng pagsusulong ng ligtas na kapaligiran para sa Makatizen consumers.

Facebook Comments