Lokal na pamahalaan ng Makati, sisimulan na ang konstruksyon ng Makati Columbarium ngayong Oktubre

Nakatakdang simulan ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Makati ngayong Oktubre ang konstruksyon ng Columbarium ng lungsod na itatayo sa dating kinalalagyan ng Makati Municipal Cemetery.

Ayon kay Makati Mayor Abby Binay, matutugunan nito ang pangangailangan ng mga residente para sa disenteng himlayan ng mga yumaong mahal sa buhay nang hindi kailangang gumastos ng malaki.

Dagdag pa niya, masosolusyonan din ang kakulangan sa espasyo para sa libingan sa Makati.


Sa pamamagitan ng libreng cremation at inurnment services na handog ng Columbarium, aniya maaaring mabigyan ng pormal at disenteng libing ang mga pumanaw na taga-Makati kahit anuman ang estado nila sa buhay.

Sa 4,000-square meter na lupain sa may Kalayaan Avenue na dating kinalalagyan ng lumang sementeryo, unang itatayo ang dalawang gusali ng Columbarium kung saan ilalagay ang chapel, viewing areas, cremation area, at 14,784 urn vaults.

Facebook Comments