Lokal na pamahalaan ng Mandaluyong, may paalala sa mga magbubukas na food establishments sa kanilang lungsod

Nagpapaalala ang lokal na pamahalaan ng Mandaluyong sa mga may-ari ng food establishments na nakatayo sa kanilang lungsod na mahigpit na sumunod sa mga panuntunan na ipinatutupad ng lokal at national na pamahalaan laban sa banta ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ayon kay Mayor Menchie Abalos, dapat sundin ang mga minimum public health standards protocol, tulad ng pagkakaroon ng disinfection ng sapatos at kamay, at pagkuha ng temperatura.

Tiyakin din aniya na ang lugar ng establisyemento ay may kapasidad para masunod ang physical distancing protocols.


Inihayag din nito na ang inspection team ng lungsod na binubuo ng mga kawani mula sa Business Permits and Licensing Office at City Health Office (CHO) ay mag-iikot sa buong Mandaluyong City upang matiyak na nasusunod ng mga establisyemento ang lahat ng health protocols.

Magugunita, pinayagan na ng national government ang pagbubukas ng mga restaurant at mga malilit na kainan na 30% operational capacity lang habang umiiral ang General Community Quarantine (GCQ) sa buong Metro Manila.

Facebook Comments