Manila, Philippines – Inihahanda na ng lokal na pamahalaan ng Marawi ang mga lugar na maaaring gawing evacuation centers sa siyudad.
Kasunod na rin ito ng kaso ng pagkamatay ng ilang bakwit sa mga evacuation centers sa Iligan City dahil na rin sa sobrang siksikan.
Sa interview ng RMN-DZXL, sinabi ni Marawi City Mayor Majul Usman Gandamra na sa tulong ng Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensya ng gobyerno, maglalagay sila ng temporary shelters sa mga barangay sa Marawi na hindi naman apektado ng bakbakan.
Una nang napaulat na 59 na evacuees sa Iligan ang namatay dahil sa dehydration.
Umaasa naman si Mayor Gandamra na agad maililipat sa itinatayo nilang temporary shelters ang mga bakwit para hindi na madagdagan ang casualties sa mga kasalukuyang evacuation center sa Iligan.