Handa ang pamahalaang Lungsod ng Maynila sakaling ituloy ang pagbubukas ng klase sa darating na Agosto.
Ito’y sa kabila ng pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nais nitong ipagpaliban ang pagbabalik-eskwela ng mga estudyante hangga’t wala pang bakuna sa COVID-19.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno-Domagoso, sakaling matuloy ang pagbubukas ng klase sa Agosto 24 ay may mga paraan ang lungsod upang mailayo sa kapahamakan o sakit ang mga estudyante sa mga pampublikong eskwelahan.
Sinabi pa ng alkalde na susunod ang lungsod sa anumang panuntunan na ipatutupad ng Department of Education (DepEd) lalo na ang pagtuturo gamit ang teknolohiya tulad ng “online class”.
Iginiit pa ni Mayor Moreno na dapat pa rin isaalang-alang ang kapakanan ng mga bata at ng mga guro lalo na ngayon na patuloy na tumataas ang bilang ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ang pahayag ng alkalde ay kasabay ng pagpapasinaya sa ikalimang quarantine facility na itinayo sa Arellano High School na may 41 bed capacity na matatagpuan sa Alonzo St., Sta. Cruz.
Nabatid na sa loob lamang ng linggong ito ay dalawa na ang nabuksan na quarantine facility kung saan aabot na sa mahigit 220 bed capacity ang maaaring paglaanan ng mga suspected at probable cases ng COVID-19.
Bukod sa Arellano HS Quarantine facility, nagagamit na rin ang Delpan Quarantine Facility na may 60 bed capacity, Araullo High School Quarantine Facility na may 40 bed capacity, Tondo High school Quarantine Facility na may 40 bed capacity at T. Paez High School na may 41 bed capacity.