Lokal na Pamahalaan ng Maynila, hinihimok ang mga residente sa lungsod na magpasuri sakaling makaranas ng sakit o sintomas ng COVID-19

Hinihimok ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga residente ng lungsod na magpasuri kapag may sakit o kung may nararanasang sintomas ng Corona Virus Disease o Covid-19.

Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno, mayroong anim na ospital at hindi bababa sa animnapung health centers ang lungsod na maaaring puntahan sakaling sila ay may sakit.

Ang mga ospital na nasa ilalim ng superbisyon ng lokal na pamahalaan ng Maynila ay ang Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.


Una nang nagkaroon Manila Infectious Disease Control Center sa Sta. Ana Hospital na maaari din gamitin para sa mga pasyente na sinusuri dahil sa sintomas ng COVID-19.

Sinabi pa ni Mayor Isko na libre ang mga serbisyo sa mga nabanggit na ospital na mapapakinabangan ng mga taga-Maynila.

Dagdag pa ng alkalde na halos lingo-linggo naman ay nagpupulong ang mga opisyal ng Manila LGU, kasama ang Manila Health Department upang masiguro na nakahanda ang lahat ng mga gamit, gamot at iba pang kinakailangan sakaling magkaroon ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Maynila.

Facebook Comments