Lokal na pamahalaan ng Maynila, ipinakita ang kanilang cold storage facility sa pagbisita ng COVID-19 Vaccine Code Team

Bumisita ang mga miyembro ng National Task Force (NTF) Against COVID-19 at Coordinated Operations to Defeat Epidemic (CODE) team sa lungsod ng Maynila.

Partikular na kanilang pinuntahan ay ang Sta. Ana Hospital kung saan kanilang ininspeksyon ang itinayong cold storage facility ng lokal na pamahalaan para sa bibilhing bakuna kontra COVID-19 na matatagpuan sa ikapitong palapag ng hospital.

Mismong sina Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan kasama ang ilang tauhan ng Manila Health Department ang nanguna para ipakita sa mga miyembro ng COVID-19 Vaccine Code Team ang bagong gawang cold storage na pag-iimbakan ng mga bibilhing bakuna.


Ilan sa mga bumisita ay sina DILG Usec. Epimaco Densing III, DOH Usec. Ma. Carolina Vidal-Taino, FDA Dir. Gen. Eric Domingo, ARTA Dir. Gen. Jeremiah Belgica, Sec. Harry Roque, Sec. Vince Dizon at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ng National Task Force Against COVID-19.

Sa ginawang pagbisita ng COVID-19 Vaccine Code Team, pinasalamatan at binigyan nila ng pagpupugay ang mga opisyal at tauhan ng lokal na pamahalaan ng Maynila sa kanilang suporta sa vaccination program ng national government at sa mga hakbang nila para mapigilan ang pagkalat ng virus.

Muli naman iginiit ni Secretary Galvez na sa kabila ng mga isyu sa bakuna, tuloy-tuloy pa rin ang ginagawang hakbang ng pamahalaan sa tulong ng Local Government Units (LGUs) para paghandaan ang pagdating nito sa bansa.

Sinabi pa ni Galvez na malaking papel ang gagampanan ng mga LGU sa pamamahagi ng bakuna kontra COVID-19 lalo na’t sila ang mas nakaka-alam ng sitwasyon ng kanilang nasasakupan.

Facebook Comments