Muling ipinaalala ni Manila Mayor Isko Moreno na hindi kailangan magtungo sa City Hall at hindi din kailangan pumila sa mga barangay hall ang mga residente para kumuha ng social amelioration card forms upang mabigyan ng financial assistance mula sa pamahalaan.
Ayon kay Yorme, ang mga naturang form ay ipamamahagi mismo ng Manila Department of Social Welfare o MDSW katuwang ang mga barangay opisyal at ibabase ito sa hawak nilang listahan.
Sinabi pa ng Alkalde sa bawat Manileño na huwag nang i-download at ipa-xerox pa ang mga forms na nakikita sa internet at social media dahil hindi naman ito otorisado.
Binalaan din ni Mayor Isko ang mga residente na huwag basta-basta maniniwala sa mga nagpapakilala o tumatayong lider sa bawat barangay kung saan diskarte ng mga ito na isasama sa listahan ang kanilang pangalan saka manghihingi ng pera.
Aniya, makinig lamang sila sa anunsiyo ng lokal na pamahalaan at ng Department of Social Welfare and Development o DSWD para malaman ang iba pang detalye para makakuha ng financial assistance sa national government bunsod na din ng umiiral na enhanced community quarantine dahil sa banta ng Coronavirus disease o COVID-19.