Lokal na Pamahalaan ng Maynila, muling maglalabas ng pondo para sa ibang pamilya na hindi nakatanggap ng cash assistance

Inaprubahan na ng Lokal na Pamahalaan ng Maynila ang nasa P19,941,000 na pondo bilang cash assistance sa ilang pamilya na hindi nabigyan ng P1,000 sa ilalim ng City Amelioration Crisis Assistance Fund dahil sa banta ng Coronaviris Disease o COVID-19.

Ayon kay Mayor Isko Moreno, inaprubahan nila ang paglalabas ng karagdagang pondo base na din sa kahilingan ng ilang Barangay sa lungsod na hindi pa nakakatangap ng cash assitance.

Nabatid na nasa 19,941 na pamilya mula sa 100 Barangay sa 6 District ang hindi pa nakakuha ng P1,000 cash assistance kung saan kabilang sila sa ipinasang listahan ng mga opisyal ng bawat Barangay.


Umapela naman si Yorme sa mga hindi nabigyang pamilya sa lungsod na maghintay at maunawaan sana nila kung bakit naantala ang pamamahagi ng cash assistance dahil sa nagkaroon ng kalituhan sa sistema sa kada Barangay.

Hinihikayat din niya ang bawat Manileño na isantabi muna ang pansariling intensyon at tumulong na lamang upang malagpasan ang kinakaharap na krisis dahil sa COVID-19.

Facebook Comments