Lokal na pamahalaan ng Maynila, nag-alok ng COVID-19 test sa mga kawani ng gobyerno

Inihayag ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na handa ang lokal na pamahalaan ng Maynila na isailalim sa pagsusuri para sa COVID-19 ang lahat ng mga empleyado ng gobyerno na nakabase sa lungsod.

Ayon kay Secretary to the Mayor Bernie Ang, pumayag si Mayor Isko na magsagawa ng libreng test para sa lahat ng kawani ng Bureau of Immigration (BI) sa kanilang punong tanggapan sa Intramuros.

Nabatid na unang humingi ng tulong si Patch Arbas, Alien Registration Division Assistant Chief ng BI sa alkalde para isailalim sa COVID-19 test ang lahat ng kanilang mga empleyado.


Matatandaan na isinara ang main office ng Immigration makaraan na magpositibo sa COVID-19 ang isa nilang empleyado kung saan isinagawa na rin ang disinfection sa buong building ng kagawaran.

Sinabi pa ni Ang na naghahanap rin ang BI ng lugar kung saan itatayo ang kanilang quarantine facility na para sa kanilang empleyado sakaling may magpositibo sa virus.

Dahil dito, inalok na rin ni Mayor Isko ang pagsasagawa ng libreng test sa iba pang mga kawani ng pamahalaan na nasa Maynila upang masiguro na ligtas sila sa COVID-19.

Facebook Comments