Binalaan ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang mga negosyanteng nananamantala sa presyo ng mga ibinibentang face shield.
Ayon kay Bureau of Permits Director Levi Facundo, hindi napapanahon ang pagtataas ng presyo ng mga face shield lalo na’t may COVID-19 pandemic kung saan alam niya na apektado ang mga negosyo pero mas lalong naapektuhan ang iba na nawalan ng trabaho.
Nabatid kasi na nakarating sa kanilang tanggapan na may ilang tindahan ang nagbebenta ng face shield na nagkakahalaga ng P100 kada isa.
Bagama’t wala pang inilalabas na opisyal na Suggested Retail Price (SRP) ang Department of Trade and Industry (DTI) para sa face shield, sinabi ni Facundo na hindi dapat ito tataas sa P25 kada isang piraso.
Tiniyak din ni Facundo na sa oras na maglabas ng SRP ang DTI sa face shield, ay maghihigpit sila ng monitoring sa bawat tindahan na magbebenta nito sa buong lungsod ng Maynila.
Ang sinumang mahuhuling nagbebenta nito ng mas mataas pa sa SRP ay bibigyan nila ng show cause order.
Kaugnay nito, binalaan din ni Facundo ang publiko na mag-ingat sa scammers na nagbebenta ng mga medical equipment via online.