Nakikipagpulong si Mayor Isko Moreno kasama si Vice Mayor Honey Lacuna-Pangan sa ilang mga namumuno sa Manila Health Department (MHD), pitong district hospitals, Manila Police District (MPD), Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at Manila Barangay Bureau.
Ito’y para pag-usapan at malaman ni Mayor Isko ang kahandaan ng lokal na pamahalaan laban sa tumataas na kaso ng Delta variant sa Metro Manila.
Nais kasi ng alkalde na masigurong nakalatag na ang plano at hangga’t maaga ay makontrol ang sitwasyon.
Matatandaan na una nang kinumpirma ni Mayor Isko na nakapagtala na ang lungsod ng limang kaso ng Delta variant subalit nasa ligtas nang kalagayan ang mga pasyente.
Sa kabila ng pagkakaroon ng limang kaso ng Delta variant, wala pa sa plano na magkaroon ng lockdown sa lungsod sa Maynila.
Kung maalala, iminungkahi na rin ni Treatment Czar Health Undersecretary Leopoldo Vega na dapat gawin bilang pantapat sa nasabing variant ay ang pagiging agresibo ng mga lokal na pamahalaan, maging ng mga residente pagdating sa Prevention, Detection, Isolation, Treatment at Reintegration (PDITR) strategies.
Kaugnay nito, inabisuhan na rin ng gobyerno ang mga lokal na pamahalaan na higpitan ang protocols at paghandaan ang dagdag na alokasyon sa mga ospital at treatment facility, bukod pa sa paghahanda ng imbentaryo ng gamot at oxygen tanks.