Lokal na pamahalaan ng Maynila, nanindigan na ipagbabawal sa lungsod ang anumang parada o prusisyon

Nanindigan si Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na ipinagbabawal muna sa lungsod ng Maynila ang anumang uri ng mga parada o prusisyon sa gitna ng COVID-19 pandemic.

Ito’y kaugnay na rin sa panahon ng Kapaskuhan, kung saan inaasahan ang kabi-kabilang mga aktibidad partikular sa mga simbahan at iba pa.

Ayon kay Mayor Isko, kung ang mga aktibidad ay gagawin sa loob ng simbahan ay hindi ito pakikialaman ng lokal na pamahalaan tulad ng mga plano sa pagdaraos ng Simbang Gabi.


Kailangan lamang na matiyak na nasusunod ang minimum health and safety protocols para maiwasan ang pagkalat ng virus.

Iginiit ng alkalde na kung ang mga aktibidad ay lalabas ng simbahan tulad ng mga parada o prusisyon, kailangang magpaalam sila sa lokal na pamahalaan ng Maynila.

Naunang humingi ng pasensya si Mayor Isko sa mga taga-simbahan saka iginiit na hindi umano niya papayagan ang mga parada at kahalintulad na mga aktibidad na posibleng dagsain ng maraming tao.

Babala pa ni Mayor Isko, baka magkaroon ng biglaang pagtaas ng kaso ng COVID-19 kung hindi gagawa ng hakbang ang lokal na pamahalaan.

Matatandaan na nagpasya ang lokal na pamahalaan ng Maynila at pamunuan ng Quiapo Church na kanselado ang Traslacion 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Facebook Comments