Lokal na pamahalaan ng Pasay, nagbabala sa mga residente nito hinggil sa epekto ng bagong variant ng COVID-19

Nagbabala ngayon ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga residente nito na mag-doble ingat sa epekto ng bagong variant ng COVID-19.

Sa pahayag ni Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, bagamat nakokontrol nila ang sitwasyon ng COVID-19, hindi pa rin maiwasan na tumaas ang bilang ng tinatamaan ng virus dahil sa sinasabing bagong variant.

Ayon sa alkalde, mabilis na makahawa ang nasabing bagong variant ng COVID-19 na karamihan ay bawat miyembro na ng pamilya ang tinatamaan.


Dahil dito, isa sa ginagawa nilang solusyon ay ang muling pagpapatupad ng granular lockdown sa mga barangay na may naitatalang mataas na kaso.

Kasabay nito, agad silang magsasagawa ng maigting na contact tracing upang matukoy ang mga nahawaan ng COVID-19 at ng bagong variant nito para mabigyan ng medical assistance.

Sinabi pa ng alkalde na nagdagdag na sila ng mga contact tracers para mas matunton pa ang mga nahawaan ng virus sa kanilang lungsod.

Muli rin niyang paalala sa mga residente na huwag basta-basta balewalain ang nakakamatay na sakit kung saan maigi pa rin sundin ang inilatag na minimum health protocols upang maisawan na mahawaan ng virus.

Facebook Comments