Lokal na Pamahalaan ng Pasay, naglunsad ng hotline laban sa mga nangbu-bully sa mga frontliners at COVID-19 patients

Maaari nang isumbong ngayon ang anumang insidente ng harassment laban sa frontliners at sa mga Coronavirus Disease o COVID-19 patients sa Lungsod ng Pasay.

Ito’y sa pamamagitan ng ilnilunsad na anti-bullying hotline ng Lokal na Pamahalaan na layong tulungan ang mga nakakaranas ng diskriminasyon dahil sa COVID-19.

Ayon sa Pasay Public Information Office, kailangang isumite ng complainant o biktima ang kanyang report of harassment kasama ng pangalan, contact number at address.


Maaari itong maipadala sa mga numerong: 0961-6804984, 0966-2473608, 0928-6563958, 0922-7493800 at 0950-1987703.

Pwede rin silang tawagan mula alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon at maaari rin tumanggap ng text messages mula alas-5:01 ng hapon hanggang alas-7:59 ng umaga kinabukasan.

Matatandaan na nagpasa ng ordinansa ang pamahalaang panlungsod para protektahan ang frontliners, COVID-19 patients at suspected carriers laban sa diskriminasyon kung saan pagmumultahin ng ₱5,000 ang sinumang lalabag at maaaring makulong ng hanggang anim na buwan.

Sa ngayon, base sa datos ng Pasay City Health Office, nasa 183 na ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lungsod, 444 ang probable at 60 ang suspected cases.

Aabot naman sa 20 ang namatay habang 40 na residente ng Pasay ang gumaling sa COVID-19.

Facebook Comments