Nagpaliwanag ang lokal na pamahalaan ng Pasay kung bakit hindi nila naabot ang target na bilang ng mga benipisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP).
Sa anunsiyo ng pamahalaang panlungsod ng Pasay, nasa 94% ng beneficiaries ang nabigyan ng cash assistance para sa first tranche.
Nabatid na mula sa 45,156 beneficiaries ay 41,856 ang nakatanggap ng ayuda kung saan sinabi ni Interior City Director Gloria Aguhar na hindi ito nangangahulugan na pumalpak ang Pasay City sa trabaho nito.
Aniya ang nalalabing six percent ay hindi personal na nakuha ang pera kabilang ang senior citizens, Persons With Disability (PWD) at ilang indibidwal na isinailalim sa quarantine ang kanilang barangay.
Mayroon din mga residente na diniskwalipika ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Metro Manila.
Dagdag pa ni Aguhar, nagkaproblema sa distribusyon ng pera dahil nangalahati ang bilang ng social workers kaya napilitan ang LGU na kumuha ng personnel mula sa ibang departamento para tumulong.
Sa ngayon ay house-to-house distribution na ang ginagawa ng lokal na pamahalaan sa mga hindi agad naabutan ng ayuda sa first tranche ng SAP.