Sinisiguro ngayon ng lokal na pamahalaan ng Pasay na mahigpit nilang ipapatupad ang minimum health and safety protocols para maiwasan ang hawaan ng COVID-19 sa pagbubukas ng Baclaran Night Market sa service road ng Roxas Boulevard.
Ayon kay Mayor Emi Calixto-Rubiano, hangad ng lokal na pamahalaan na maging ligtas ang bawat mamimili at mga nagtitinda sa nasabing night market.
Kung saan, paraan ito upang magkaroon ng pagkakitaan ang mga nagtitinda sa ilalim at paligid ng Baclaran LRT station sa Taft Avenue na pinalayas dahil sa anti-obstruction operation ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Nais din nila na tumaas ang ekonomiya at mabigyan nang pagkakataon ang displaced vendors na makapaghanapbuhay lalo na ngayong papalapit na ang Pasko.
Pero babala ng alkalde, ang sinumang hindi susunod sa ipapatupad na minimum health and safety protocols ay mahaharap sa parusa kung saan makakatanggap sila ng warning sa una at ikalawang paglabag habang tuluyan nang paaalisin ang stall ng vendors na lalabag sa ikatlong pagkakataon.
Humingi na rin ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para masigurong maipapatupad ang health protocols sa night market.
Ang baclaran night market ay mayroon 132 stalls na bukas mula December 2 hanggang December 30 mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-12:00 ng hatinggabi.