Umapela ang lokal na pamahalaan ng Pasay sa mga magulang na huwag nang isama pa ang kanilang mga menor de edad na anak sa pagtungo sa mga mall sa lungsod.
Sa pahayag ni Jun Burgos ang head ng Public Information Office ng Pasay City Local Government Unit (LGU), ipinaalala nito sa mga magulang na ipinagbabawal pa rin ang pagpapapasok ng mga menor de edad sa mga mall bilang bahagi ng pag-iingat sa COVID-19.
Ayon naman kay Police Colonel Eric Dilag, hepe ng Pasay City Philippine National Police (PNP), nagpakalat na sila ng mga tauhan sa mga matataong lugar tulad ng mga mall para masigurong naipapatupad ang minimum health protocols ngayong holiday season.
Tiniyak pa ng opisyal na hindi nila papayagan na makapasok ng mga mall ang mga menor de edad kaya’t paki-usap nila sa mga magulang na huwag na itong ipilit pa.
Base naman sa huling datos ng Pasay City Epidemiology and Disease Surveillance Unit, nasa 151 na lamang ang active cases, 173 ang nasawi, 6,513 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso at 6,189 ang nakarekober sa COVID-19.