Lokal na Pamahalaan ng Pateros, nakiusap sa mga residente sa pagsunod sa community quarantine

Muling nakiusap ang Munisipalidad ng Pateros sa mga residente na patuloy na sumunod sa alituntunin na ipinapatupad sa ilalim ng Enhanced Community Quarantine.

Panawagan ng lokal na pamahalaan, dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng virus sa bansa, lalo din silang maghihigpit sa pagpapatupad ng patakaran lalo na pagdating sa pagsunod sa curfew hours.

Ang mga residente lamang na may quarantine pass ang papayagan na makalabas ng tahanan habang ang mga lalabas na walang Q-Pass ay sakop ng ipinapatupad na curfew hours at maaaring maparusahan ng apat na oras na detention o di kaya ay P500 multa.


Pakiusap pa ng lokal na pamahalaan sa mga residente, sumunod ang lahat sa patakaran upang makabalik na sa normal ang pamumuhay at mahinto na ang pagkakasakit at pagkawala ng buhay.

Sa kasalukuyan ay pito na ang naitatalang positibo sa Coronavirus sa Pateros.

Bagamat maliit lamang ang bilang na ito kumpara sa ibang mga lungsod sa Metro Manila, ayaw namang isakripisyo ng Pateros ang kalusugan at buhay ng kanilang mga residente.

Facebook Comments