Lokal na pamahalaan ng Quezon City, umaksyon na upang pigilan ang overpricing ng karne ng baboy

Minomonitor na ng lokal na  pamahalaan ng Quezon City ang mga pamilihan sa lungsod upang masigurong walang mangyayaring overpricing ng karne ng baboy.

Kasunod na rin ito ng pagkukulang ng suplay dahil sa epekto ng African swine fever (ASF).

Ayon kay Mayor Joy Belmonte, walang dahilan na mag-overprice sa presyo ng karneng baboy dahil  nabili na sa supplier ang mga ito sa tamang presyo.


Base sa daily market report ng Quezon City Veterinary Department, nasita ang maraming  meat retailers na nagbebenta sa presyong 300 pesos kada kilo.

Sobrang mahal ito kung ikukumpara  sa  suggested retail price na 260 hanggang 270 pesos per kilo.

Ayon naman kay City Veterinarian Dr. Ana Marie Cabel, ang pagsipa ng halaga ng karne ay dulot ng shortage sa live weight na baboy sa Luzon na epekto naman ng paghihigpit sa shipment ng buhay na hayop mula Visayas at Mindanao.

Tiniyak naman ni Cabel na nanatiling ASF free ang mga piggeries sa lungsod at nakabawi na sa nagdaang pamemeste ng naturang sakit.

Facebook Comments