Lokasyon ng mga bagong EDCA sites, kinuwestyon sa pagdinig ng Senado

Kinwestyon sa pagdinig ng Senate Committee on Foreign Relations ang lokasyon ng mga bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites.

Tinanong ni Foreign Relations Chairman Senator Imee Marcos si Defense Secretary Carlito Galvez Jr., kung ang focus na ba ng gobyerno ay ang Taiwan Strait sa halip na ang West Philippine Sea dahil karamihan na ng mga EDCA site ay matatagpuan sa hilagang bahagi ng Luzon.

Ayon kay Marcos, interesado siya sa usapin ng EDCA sites dahil mukhang ‘random’ ang pagpili sa mga lugar ng base militar at malayo na ang purpose nito sa Armed Forces of the Philippines (AFP) modernization.


Binusisi rin ni Marcos kung isinuko na ba natin ang territorial claims sa east at west sector ng bansa dahil masyado na tayong obsessed sa Taiwan Strait.

Tugon naman ni Galvez, naka-concentrate pa rin ang depensa ng bansa sa West Philippine Sea at dumipensa rin ito na strategic para sa Pilipinas ang ginawang pagpili sa mga bagong lokasyon ng EDCA bases.

Naunang sinabi ng Department of National Defense (DND) na ang mga bagong EDCA sites ay makatutugon sa panloob at panlabas na banta at magpapalakas din sa disaster response capability ng bansa.

Magkagayunman, duda ang ilan sa mga miyembro ng komite dahil kung para sa pagpapahusay ng disaster response, bakit hindi napili ang Guiuan, Samar, Bicol at maging ang maraming lalawigan sa silangang bahagi ng bansa na madalas tinatamaan ng bagyo sa pagtatayuan ng mga bagong EDCA sites.

Facebook Comments