Lola, kulong dahil sa pagkamatay ng apo matapos niyang iwan sa sasakyan para magsugal

OKLAHOMA, US – Hinatulan ng 17 taon sa bilangguan ang isang 50-anyos na lola dahil sa pagkamatay ng kanyang apo dalawang taon na ang nakararaan matapos niyang iwan sa sasakyan para magsugal.

Ayon sa report ng pulisya, Hunyo 21, 2018 nang masawi ang bata matapos iwan ng suspek na si Alanna Jean Orr sa loob ng kanyang sasakyan sa parking lot ng isang casino bar na tumagal ng anim na oras.

Iniwan ni Orr ang apo habang nasa temperaturang 90 degrees ang lugar noong mangyari ang insidente.


Nang makabalik umano ito dakong alas 7:00 pm, wala ng malay ang bata kaya agad daw itong tumawag sa 911 para humingi ng responde.

Ayon sa US Attorney’s Office for the Western District of Oklahoma, hindi na raw nasagip buhay ng kawawang paslit.

Abril nakaraang taon nang matuloy ang pagsasakdal kay Orr sa kasong second-degree murder by child neglect kung saan napatunayang guilty ito noong Hulyo.

Nito lamang Linggo nang mangyari ang sintensya sa naturang lola.

Haharap sa 210 buwang pagkakakulong ang suspek ayon sa inilabas na tala ng hukuman.

Kinakailangan din niyang magbayad ng $3,877 o (P195,121) para sa restitution.

Samantala, naiulat naman na ang naturang kaso ay pinangunahan ng federal attorney’s office dahil nangyari ang krimen sa isang Indian country.

Naireport na nasawi ang biktima sa labas ng Kickapoo Casino, lugar na pinatatakbo umano ng Kickapoo tribe kung saan kasapi ang suspek.

Facebook Comments