CAUAYAN CITY – Isang syento uno anyos na centenarian mula sa Brgy. Villador, Reina Mercedes, Isabela ang pinarangalan ng P100,000 mula sa Provincial Government of Isabela kahapon, ika-8 ng Enero.
Kinilala ang benepisyaryo na si Anastacia Garalden, residente ng Purok 7, Brgy. Villador.
Ayon kay Brgy. Captain Jonel Acob, ito ang unang beses na may tumanggap ng ganitong pagkilala sa kanilang barangay, isang mahalagang okasyon na nagdulot ng inspirasyon sa mga residente.
Nauna nang natanggap ni Lola Anastacia ang P20,000 noong Disyembre mula sa Lokal na Pamahalaan ng Reina Mercedes bilang pagkilala sa kanyang mahaba at makabuluhang buhay.
Dagdag pa rito, nakatakdang magbigay ang Department of Social Welfare and Development Region 2 ng karagdagang P100,000 para kay Lola Anastacia sa ilalim ng programang sumusuporta sa mga centenarian.
Samantala, sinabi ni Kapitan Acob na inihahanda na ang mga kinakailangang dokumento ng isa pang centenarian mula sa barangay upang makatanggap rin ng parehong insentibo.