Lolo na May Kapansanan, Natusta sa Sunog!

San Mariano, Isabela – Hindi na nailigtas ang isang lolo matapos na tinupok ng apoy ang bahay nito sa oras na alas dos bente singko ng hapon May 13, 2018 sa Purok 3, Barangay Minanga, San Mariano, Isabela.

Sa panayam ng RMN Cauayan kay Senior Fire Officer 3 Jaymar Domingo, Fire Marshall ng BFP San Mariano, aniya mag-isa sa mismong bahay ang biktima na si Anastacio Salazar,82 taong gulang at hindi nakakalakad.

Sinabi pa ni Fire Marshall Domingo na sa inisyal na imbestigasyon ng pamunuan nito ay maaring nagluluto ang matanda, napabayaan , natumba at hindi na nakabangon dahil sa hawak pa umano ang isang palayok nang matagpuan ito sa lugar.


Hindi na rin nailigtas ang matanda dahil sa malayo umano ang bahay nito sa iba pang bahay sa nasabing lugar.

Gawa rin umano sa boho at ilang sako ang tabing ng bahay ni Salazar kung kayat mabilis na kinain ng apoy.

Idinagdag pa ni SFO3 Domingo na wala pa hanggang ngayon ang resulta ng isinagawang pagsisiyasat ng SOCO team.

Samantala ayon umano sa kamag-anak ni Salazar ay maaring mailibing na agad ang bangkay ng biktima.

Facebook Comments