Lomi hauz sa Cauayan City, Isabela, Inireklamo dahil sa Nilanggam na paninda!

*Cauayan City, Isabela- *Inilapit sa himpilan ng RMN Cauayan ang reklamo ng isang concerned citizen hinggil sa isang LomiHauz na nasa tabi ng National Highway ng Cabaruan, Cauayan City dahil sa umano’y may langgam ang inorder nitong lomi kamakailan sa naturang kainan.

Ipinakita ng nagreklamo ang kuhang larawan ng inorder na lomi na may kasamang maiitim na langgam kung saan inakala umano nito na paminta lamang ang mga maiitim na nasa pagkain.

Sa naging pahayag ng may-ari ng Barcelo LomiHauz na si ginoong Jimmy Barcena ay hinamon nito ang nagreklamo na magharap sila at patunayan na sa kanya ang inirereklamong lomihauz.


Dagdag pa ni ginoong Barcena na hindi dapat inireklamo ang kaniyang kainan dahil sa simpleng langgam lamang umano ang nakita at hindi rin naman anya maiiwasan ang langgam sa mga kainan.

Samantala, sinabi naman ni Miss Michelle Calacien, ang Sanitation Inspector 1 ng Sanitary Office ng lungsod ng Cauayan, patuloy ang kanilang isinasagawang inspeksyon sa naturang lomihan.

Aniya, sa mga ganitong reklamo ay nagbibigay naman ng demand letter ang Sanitary Office sa mga may-ari ng kainan kung saan may mga kaukulang parusa sa mga food handlers na lalabag sa ordinansa.

Kaugnay nito ay patuloy rin ang inspeksyon ng Sanitary Office sa lahat ng mga water refilling station upang matiyak ang kaligtasan ng mga Cauayeño.

Facebook Comments