Cauayan City, Isabela- Iginiit ni Quirino Lone District Congressman Junie Cua na wala umanong intensyon na lisanin ng kanyang anak na si Governor Dakila Carlo Cua ang lalawigan ng Quirino.
Ito ay makaraang mapabilang ang nakababatang Cua sa PDP-LABAN Senatorial slate ng administrasyong Duterte.
Sa isang pahayag, sinabi ng kongresista na lilinawin ng kanyang anak ang dahilan kung bakit napasama ito sa listahan ng mga posibleng kandidato sa pagka-senador sa halalan 2022.
Paliwanag ng mambabatas, posible umanong dahilan nito ang nakitang pagiging aktibo ng Gobernador sa ilang importanteng isyu, magandang performance ng manungkulan rin ito bilang kongresista at bilang isang local chief executive ng lalawigan maging ang pamumuno nito bilang Chairman ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP) at League of Provinces of the Philippines.
Ayon pa sa kongresista, maaaring dahil sa pagkakaroon umano ng konting ‘national image’ ng kanyang anak ang dahilan sa pagkakasama nito sa listahan ng mga tatakbo sa isa sa mga mataas na posisyon sa bansa.
Sinabi pa niya na hindi umano alam ng kanyang anak na napabilang ito sa mga kandidato ng PDP-LABAN dahil ang intensyon umano ng Gobernador ay ipagpatuloy pa ang mga nasimulang mahahalagang programa para sa lalawigan.