Long term institutional reform sa PNP, hiniling ng isang senador

Nanawagan ng reporma sa institusyon ng Philippine National Police (PNP) si Senator Risa Hontiveros.

Kaugnay na rin ito sa ibinabang hatol ng korte laban sa isang pulis Caloocan na nang-torture at nagtanim ng ebidensya sa mga biktima ng war on drugs na sina Carl Angelo Arnaiz at Reynaldo “Kulot” de Guzman.

Hiling ni Hontiveros na magkaroon ng pangmatagalang institutional reforms sa PNP upang maiwasan na ang paggawa ng karahasan at krimen ng mga opisyal at tauhan nito.


Aniya pa, ang tanging paraan para maibalik ang tiwala ng publiko sa institusyon ay ang “full accountability” sa hanay ng mga pulisya.

Dahil inabot ng limang taon bago nakamit ang hustisya sa dalawang biktima ng kampanya kontra iligal na droga noong Duterte administration, umapela rin ang senadora na maprotektahan ang justice system laban sa pulitika na hadlang sa pagtupad sa kanilang mandato.

Umaasa naman si Hontiveros sa pamilya ng mga biktima na bagama’t hindi na maibabalik ang buhay nila Carl at Kulot, ay naibsan sana kahit papaano ang sakit na kanilang nararamdaman sa pagkawala ng kanilang mahal sa buhay.

Facebook Comments