Long-term solution sa pagtugon sa kalamidad at sakuna, hiniling ng Senado

Iginiit ni Senate President Juan Miguel Zubiri na panahon na para isulong ang mga ‘long-term solution’ para sa pagtugon sa mga sakuna at kalamidad.

Ayon kay Zubiri, hindi aniya dapat magpatuloy ang pagiging ‘reactive’ ng pamahalaan pagdating sa disaster management lalo na kung may buhay ang nakataya rito tulad sa Bagyong Paeng na higit sa daan na ang nasawi.

Ipinunto ng senador ang pangangailangan na i-streamline o padaliin ang pagtugon sa kalamidad at pagpapalakas sa national authority para sa epektibong ugnayan ng pambansa at lokal na pamahalaan hindi lamang sa disaster response kundi pati na rin sa paghahanda at pagpapagaan sa epekto ng kalamidad.


Asahan na rin aniya na magiging malaking bahagi ng 2023 budget deliberation sa pagbabalik ngayon ng sesyon ng Senado ang Bagyong Paeng.

Kokonsultahin umano nila ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) at ang mga lokal na pamahalaan para i-assess ang recovery roadmap.

Ngayong Lunes, November 7 ay isasalang na sa plenaryo ng Senado ang 2023 national budget at isa sa tatalakayin ang pondong kakailanganin para sa pagbangon ng mga lugar na hinagupit ng Bagyong Paeng.

Facebook Comments