Lookout bulletin laban mga dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd at PS-DBM na sangkot sa pagbili ng overpriced laptops, hiniling ng Senado sa Bureau of Immigration

Inirekomenda ng Senate Blue Ribbon Committee sa Bureau of Immigration na maglabas ng lookout bulletin laban sa mga dati at kasalukuyang opisyal ng Department of Education (DepEd) at Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) na sangkot sa pagbili ng umano’y overpriced laptops.

Ayon kay Blue Ribbon Committee Chairman Sen. Francis Tolentino, bunsod na rin ito ng ginagawang imbestigasyon ng Commission on Audit (COA), Anti-Money Laundering Council (AMLC), Bureau of Internal Revenue (BIR) at Office of the Solicitor General (OSG).

Nabatid na hiniling ng Senado sa mga nasabing tanggapan na halukayin pa ang nakita nitong katiwalian at iregularidad sa pagbili ng PS-DBM ng mga laptop gamit ang P2.4 bilyon na ipinasa ng DepEd.


Batay sa inilabas na committee report ng blue ribbon, maliwanag na overpriced ng lampas na P979 milyon ang mahigit 39,000 laptop na binili ng PS-DBM noong Pebrero 2021 na para sa mga guro.

Pinakakasuhan ng komite ng katiwalian, perjury, falsification of public document, administratibo at sibil ang mga dati at kasalukuyang opisyal ng DepEd at PS-DBM pero hindi kasama sina dating DepEd Secretary Leonor Briones at dating Budget Secretary Wendel Avisado dahil walang ebidensiya laban sa kanila.

Facebook Comments