Lotto at iba pang PCSO games, suspendido sa MECQ areas

Mananatiling suspendido ang lotto at iba pang games ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kahit ibinaba sa modified enhanced community quarantine (MECQ) ang classification sa NCR plus.

Sa abiso ng PCSO, ang pagbebenta ng lotto tickets at iba pang digit games – kabilang ang pagsasagawa ng Small Town Lottery (STL) draws – ay mananatiling suspendido mula April 12 hanggang 30 sa MECQ areas.

Alinsunod naman sa Executive Order na inisyu ng Pamahalaang Panlalawigan ng Ilocos Sur at La Union na inilalagay ang ilang siyudad at bayan sa ilalim ng MECQ – ang pagbebenta ng lotto tickets, digit games, instant sweepstakes at STL ay mananatiling suspendido.


Samantala, ang STL at Keno draws at pagbebenta ng sweepstakes sa mga lugar na hindi sakop ng MECQ ay magpapatuloy.

Paglilinaw ng PCSO na ang kanilang gaming operations sa iba pang lugar ay susundin ang localized lockdown guidelines ng local government units (LGUs).

Hinikayat ng PCSO ang publiko na tangkilikin ang kanilang mga laro para pondohan ang kanilang Medical Access Program na layong tulungan ang mga Pilipinong nangangailangan ng tulong medikal partikular ang hospital confinement, chemotherapy, dialysis, at post-transplant medicines.

Facebook Comments