Lotto winner, pinatay ang 2 anak, sarili matapos mahuling inuubos ang pera sa prostitutes

Nagpakamatay ang isang 43-anyos na tatay mula United Kingdom matapos kitilin ang dalawang anak nang kumprontahin siya ng asawa tungkol sa mga prostitutes na binabayaran niya umano.

Ayon sa ulat, nahuli ni Sally Stokes, 47, ang asawang si David na may itinagong cellphone sa kanilang kusina kung saan nadiskubre niya ang kalokohan nito.

Sa cellphone ay makikita umano ang iba’t ibang booking at mga online searches tungkol sa ‘date rape drugs’ sa mga hindi kilalang babae.


Matapos ang inisyal na paghaharap ng mag-asawa sa araw kung kailan naganap ang krimen, umalis daw si Sally at iniwan ang dalawang anak kay David at nang makabalik sa bahay, biglaan umano siyang inatake ng asawa.

Pinalo raw siya ng isang rolling pin at sapilitang tinakpan ng unan sa mukha hanggang maubusan siya ng hininga.

“He looked evil. I thought at that moment I was going to die,” sabi ni Sally sa korte noong Lunes, Nob.25.

Inakala naman ni Sally na nasa maayos na kalagayan ang dalawang anak dahil sinabi umano ng asawa na may kasama ang mga bata.

Ngunit base sa report, magkahawak-kamay ang dalawa at wala ng buhay sa loob ng kanilang kwarto nang mga oras na iyon.

Sa imbestigasyon, sinasabing nanalo ng mahigit $50,000 (P2,535,600.00) si David ngunit nauwi sa pangho-hostage ng pamilya nang magkaroon ng alitan ang mag-asawa.

Nagawa pa raw saksakin ni David ang asawa sa kanyang likuran matapos ang pag-aaway.

“The look on his face was like satisfaction as if he’d kind of won,” ani Sally.

May tama ng saksak sa dibdib si David nang makaresponde ang mga pulis sa loob ng kanilang bahay at patay na rin ng maabutan ang dalawang bata.

Nadiskubre rin ng mga pulis ang tila suicide note na iniwan ng suspek na nagsasabing, “I love Adam and Matthew and we will all be together again soon.”

Nakasulat din umano sa naturang note, “Sal, I’m so sorry for all the things I’ve done and hurt you … If you had left it, we could have been happy forever.”

Patuloy pa rin ang pagsisiyasat sa buong pangyayari.

Facebook Comments