Cauayan City, Isabela- Nanguna sa cybercrime case ang ‘love scam at buy and sell scam mula sa 13 kasong naitala ng Regional Anti-Cybercrime Unit Region 2 mula Enero hanggang sa Hunyo ngayong taon.
Ito ang inihayag ni PMAJ. Mark Turingan, hepe ng Cybercrime Division ng Police Regional Office 2.
Ayon sa kanya, nakapagtala ng tig-apat na kaso ang love scam at buy and sell scam kung saan iba’t ibang pamamaraan ng modus operandi ang ginagawa ng mga nambibiktima.
Giit ni Turingan, lumalala ang kaso ng love scam sa rehiyon dos at posibleng madagdagan pa ang biktima ng ganitong uri ng modus kung hindi maagapan.
Sa kanilang pagtaya, pawang mga banyaga ang nasa likod ng scam na ito at paraan nila ang masigurong mahuhulog ang loob ng mga Pilipino at hindi titigilan ang pakikipagkaibigan sa mga Pinoy hanggang hindi nakakapagbigay ng malaking halaga ng pera.
Bago ito, kailangan umanong makapagpadala ng pera ang biktima bago ipadala ang ipinangakong package box.
Samantala, nakapagtala rin ng tig-dalawang kaso ang recruitment at investment scam habang isa naman sa emergency scam.
Sa kasalukuyan ay naghain na ng cyber warrant sa korte ang pulisya para magamit sa bangko o money remittance upang makakuha ng impormasyon sa transaksyon ng biktima at suspek.
Nagpaalala naman ang mga awtoridad sa publiko na maging maingat at iwasang maniwala sa mga katransaksyon sa pamamagitan ng social media.