Hindi na kailangang magsagawa ng ‘loyalty check’ para mapatunayan ng mga senador ang kanilang suporta kay Senate President Juan Miguel Zubiri.
Ito ang iginiit ni Zubiri, matapos kumalat ang tsismis na posibleng magpalit ng Senate leadership sa muling pagbabalik ng sesyon sa Hulyo.
Ayon kay Zubiri, nagsisilbi siya ayon sa kagustuhan ng kanyang mga kasamahan at nagpapasalamat siya sa mga senador dahil sa ibinibigay na suporta sa kanya.
Katunayan aniya, nagugulat ang mga senador sa lumalabas na balita at katunayan sa pagtatanong lang ng media nila nalalaman na may ganoon pa lang isyu.
Bagama’t nagpapasalamat si Zubiri sa suporta sa kanya ng mga kapwa kasamahan at hindi naman siya nangangamba sa kasalukuyang posisyon, iginiit ng senador na nakahanda pa rin siya sa anumang kagustuhan ng buong kapulungan.
Sinabi pa ni Zubiri na handa naman siyang bumalik sa pagiging isang ordinaryong senador kung iyon ang gugustuhin ng kanyang mga kasamahan.
Tinukoy ni Zubiri ang 2025 na may posibilidad na magbago ang Senate leadership dahil may papasok na bagong 12 senators at hindi naman niya batid kung sino ang gusto ng mga ito na maging Senate president.