Manila, Philippines – Hindi na magbabago ang isip ng Liberal Party (LP) sa Kamara sa pagsapi sa House Majority Bloc kahit pa hindi ang kanilang pinagpilian ang inendorso ni Pangulong Duterte na Speaker ng 18th Congress.
Naunang sinabi ng LP sa Kamara na mamimili ang LP sa pagitan nina Leyte Representative Martin Romualdez at Marinduque Representative Lord Allan Velasco para sa House speakership.
Katwiran pa ng LP sa pagpili noon kay Velasco na gusto nila ang mga bagong ideas nito at ang leadership at malawak na karanasan naman ni Romualdez, habang si Taguig Representative Alan Peter Cayetano ay unpopular sa mga miyembro ng Kamara.
Pero, ayon kay Caloocan Representative Edgar Erice, tama ang ginawang pag-endorso ni Pangulong Duterte kay Cayetano bilang speaker.
Matapos ang anunsyo ng Presidente, para kay Erice ay beteranong mambabatas si Cayetano na nagsilbi na noon na kongresista at naging senador kaya tamang siya ang napiling maging susunod na house speaker.