Naging ganap ng bagyo ang binabantayang Low Pressure Area (LPA) sa hilagang silangan ng Batanes.
Ang Tropical Depression Igme ay huling namataan sa layong 285 kilometers hilagang silangan ng Basco, Batanes.
Taglay nito ang lakas ng hanging nasa 55 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbusong nasa 70 km/hr.
Kumikilos ang bagyo pahilaga sa bilis na 15 km/hr.
Ayon kay DOST-PAGASA Weather Specialist Benison Estareja, bagama’t malayo ito sa kalupaan ay hinihila at pinalalakas nito ang Southwest Monsoon o Hanging Habagat.
Asahan ang katamtaman hanggang sa malalakas na pag-ulan sa Batanes at Babuyan Group of Islands.
Ang Habagat naman ang magpapaulan sa Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, hilagang bahagi ng Mainland Cagayan, Zambales at Bataan.
Asahan din ang kalat-kalat na pag-ulan sa Metro Manila at Rizal Province dulot ng Habagat.
Mamayang gabi ay inaasahang lalabas na ito sa Philippine Area of Responsibility (PAR).